May plano na si Kris Aquino sa kaniyang darating na kaarawan sa Pebrero 14 kung saan kasama niya ang kaniyang mga anak na sina Bimby at Josh.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa "24 Oras" news nitong Huwebes, sinabi ni Kris na maganda ang naging pasok sa kaniya ng 2018.
Hindi man siya napapanood sa telebisyon, maganda raw ang feedback ng kaniyang mga proyekto online.
Bukod dito, nakatutukan din niya ang kaniyang mga anak na si Bimby at John.
Katunayan, mayroon daw silang quick vacation ng mga anak sa New York para sa kaniyang kaarawan sa Valentines day.
Naging paborito raw kasi nina Josh at Bimby ang New York City dahil sa steak, pizza at iba pang culinary attraction ng lugar.
"Kapag nood ka nang nood ng Youtube, at noud ka nang nood ng streaming ng mga series, it's always New York. So it has magic for boys," sabi ni Kris.
Isa pa sa mga inaabangan kay Kris ay kung ano ang magiging role niya sa Hollywood movie na "Crazy Rich Asians."
Samantala, tila natitigilan naman si Kris nang magawi ang usapan kay Quezon City mayor Herbert Bautista nang matanong siya tungkol sa singsing na ibinigay sa kaniya noon ng alkalde.
Noon pa man ay matipid ang mga sagot ni Kris tungkol kay Herbert tulad nang magkasabay sila sa Rome at nang nagkasama sa isang kasalanan.
Nang tanungin kung forever na nga ba silang friendzone ng alkalde, maingat na sagot ni Kris, "Tinitimpla ko kasi, 'di ba kasi, it will haunt me. Whatever I say now will be replayed. Hindi ko talaga kayang sagutin."
Idinagdag ni Kris na magiging "expensive" daw kung sakaling matuloy ang relasyon nila ni mayor Herbert dahil na rin sa kaniyang mga endorsement contract kung saan may nakasaad na probisyon na nagbabawal sa kaniyang makapag-asawa ng pulitiko.
Nakatakda ring makaharap ni Kris at kaniyang mga kapatid si Caroline Kennedy, ang anak ng pinaslang na dating US President na si John F. Kennedy at Jackie Kennedy-Onassis.-- FRJ, GMA News
