Ngayong nagkakaroon na ng "digital world," nauuso na rin ang paggawa ng mga video blogs o "vlogs," kung saan dinodokumento ng isang "vlogger" ang kaniyang mga hobbies, mga napasyalan at iba pang magagandang experiences.

Kaya naman ang ilang Kapuso stars, "vlogging" na rin ang ginagawa bukod sa pag-arte sa telebisyon.

Sa ulat ni Lhar Santiago sa GMA News "Unang Balita," sinabing tampok sa channel ni "The Stepdaughters" leading man  Mikael Daez ang iba't-ibang lugar sa loob at labas ng Pilipinas.

Kasama pa niya sa kaniyang adventures ang girlfriend na si Megan Young.

"More often than not, nagiging memorable yung mga travel namin, specially 'yung mga vina-vlog ko kasi parang permanent na siya 'yung memory eh," sabi ni Mikael.

Highlight naman ng vlogs ni Solenn Heussaff ang makeup tutorials at pagluluto ng healthy meals.

"Importante na mag-create ng sarili mong branding on the digital platform pa rin so may other way ako to promote and to showcase, I wouldn't say different talents pero mga kalokohan ko," sabi ni Kapuso It Girl.

Dahil dito, napapasama na rin ang asawa niyang si Nico Bolzico sa kaniyang mga gimik sa kaniyang mga vlog.

Vlogger din ang "Pepito Manaloto" star na si Michael V., kung saan mayroon siyang reviews ng iba't-ibang trending na gadgets, at iba pang cool topics.

Ayon kay Bitoy, "Kung anong meron ako, ikukuwento ko sa inyo, gagawan natin ng vlog tapos sasabihin ko sa inyo kung sulit o hindi."

Certified celebrity vlogger din si Bea Binene, at kaka-launch lang ng kaniyang sariling website at YouTube channel. Tampok dito ang kaniyang trip to South Korea at Australia.

Narito ang ilang tips para simulan ang sariling channel.

Una, alamin ang sariling strengths at interests, at gumawa ng videos na talagang angkop sa inyong personalidad.

"Huwag niyong gayahin 'yung mga iba. 'Yung style mo, hindi mo kailangan i-try na gayahin 'yung iba kasi marami siyang followers or marami siyang likes," ayon kay Solenn.

Pangalawa, maiging mag-practice, dahil "practice makes perfect."

"Kahit hindi siya maganda sa tingin niyo, post niyo lang. Tapos unti-unti mag-i-improve 'yan," tip ni Mikael.

Pangatlo, huwag kalimutang magbigay ng inspirasyon sa mga follower.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News