Kahit malapit nang magwakas ang hit afternoon series na "Ika-6 Na Utos," hindi pa rin daw alam ng mga kasama sa programa kung ano ang magiging wakas ng kuwento nina Emma, Georgia at Rome.
Sa Starbites report ni Cata Tibayan sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing patuloy pa raw na pinag-iisipan pang mabuti kung ano ang magiging ending ng serye na mahigit isang taon nang napapayagpag sa afternoon block.
Ang "Ika-6 Na Utos" ay kuwento ng pagtataksil ng isang lalaki sa kaniyang asawa, pagkakaroon ng kerida. Ginampanan ito nina Sunshine Dizon, Ryza Cenon at Gabby Concepcion.
Si Gabby, aminadong nakararamdam ng separation anxiety ngayong malapit nang magtapos ang kanilang serye dahil sa nabuong pagkakaibigan ng cast at crew ng programa.
"Everytime I do a teleserye there is that separation anxiety tuwing patapos na. Siyempre hindi mo na sila makikita," anang aktor.
Si Daria Ramirez na gumaganap na ina ni Sunshine, sinabing naiiyak siya tuwing naiisip na magtatapos na ang kanilang programa.
Ayon sa aktres, maliban sa mga eksenang sampalan at sabunutan, mas tumatak at nangingibabaw daw ang tema ng show na umiikot ang pagmamahal sa pamilya at pagiging tapat sa kabiyak.
"Istorya na nangyayari sa buhay na alam mong may asawa yung tao kahit na hiwalay, hindi ka sana pumatol or kapag umayaw yung lalaki, lumayo ka na rin," saad niya.
Samantala, thankful naman si Marco Alcaraz, gumaganap na best friend ni Gabby, na nakasama siya sa serye at nakatrabaho ang kaniyang idolong aktor.
Ayon kay Marco, marami siyang natutunan kay Gabby at hanga siya sa work attitude ng aktor na mahusay umanong makitungo sa lahat, pati na sa mga staff at fans. --FRJ, GMA News
