Bukod sa pag-arte, madidinig na rin ang mga awitin ng kontrabida sa "Kambal, Karibal," na si Kyline Alcantara matapos siyang pumirma ng kontrata sa GMA Records nitong Martes.

Ginanap ang contract signing sa GMA Network na dinaluhan nina SVP for Alternative Productions Gigi Santiago-Lara, GMA Records Managing Director Rene Salta, GMA Records A&R Manager Kedy Sanchez at mommy ni Kyline na si tita Rowena.

 

 

Kuwento ni Kyline, pitong-taong-gulang siya nang magsimula siya sa musical theater, at walong-taong- gulang naman nang mag-artista.

"Bago ko po malaman 'yung pag-arte, gusto ko talagang kumanta, nag-start po ako sa musical theater," kuwento niya.

"Kasi po 'pag nakikinig po ako ng songs, 'pag hindi ko masabi o hindi ko ma-put into words 'yung gusto kong sabihin, nakikinig lang ako ng kanta, and 'yung lang 'yung gusto kong maramdaman ng mga nakikinig ng songs ko. Katulad ng nararamdaman ko 'pag nakikinig ako ng mga kanta na magkaroon ako ng connection na maramdaman ko na, 'Ay, ako 'to, ako itong kantang 'to,'" paliwanag ng aktres.

At dahil isa na siyang GMA Records artist, may mga nakaplano na siyang gawing original at mga revival na mga kanta.

"Gusto ko pong tunog, millennial talaga siya," ayon kay Kyline.

"Kung tema ng kanta, wala pa po sa ngayon pero for sure, dahil ma-lovelife ang kabataan ngayon, feeling ko naman po lovelife, mga emote songs, mga Malaya, Moira dela Torre pegs," saad niya.

Noong nakaraang Pebrero, natuwa ang mga fans ni Kyline nang i-cover niya ang "Perfect" ni Ed Sheeran.

Sa ngayon, mayroon na itong 1.8 million views sa Facebook.

Makikita din sa kaniyang YouTube channel na "Kyline Alcantara" ang iba pa niyang nai-cover na kanta.

Inihayag ni Kyline ang kaniyang mga iniidolo sa pag-awit.

"Locally po sa power ng voice, ate Aicelle Santos pero 'pagka millennial, in our generation, of course ate Julie Anne San Jose and international, Beyonce. Kasi si Beyonce, nagbibigay siya ng confidence sa akin, flawless lang talaga siya for me," ayon sa aktres.  -- FRJ, GMA News