Sa kaniyang contract signing sa GMA Records nitong Martes, kasamang naitanong kay Kyline Alcantara ang napapabalitang magkakaroon ng extension ang Kapuso Primetime series na kinabibilangan niya na "Kambal, Karibal" dahil sa mataas na ratings nito.

Hindi kinumpirma ng aktres kung magiging extended ang serye pero pagtiyak niya, "[Ang] Maipapangako lang namin na mas magiging deeper pa 'yung story, mas paiintindihin pa namin sa mga viewer namin kung gaano kalalim 'yung bawat karakter sa 'Kambal, Karibal' and marami kaming inihandang characters," sabi ni Kyline.

Si Jake Vargas ang pinakabagong karakter sa serye, na gumaganap bilang si Darren, ang bulag na amo ni Crisan.

"Actually for two days po na nagkasama kami, nakapagbiruan na naman po kami sa isa't-isa. Opo, kumportable na po ako agad-agad kay Jake," sabi ni Kyline.

"Sobrang bait po. Hindi ko po in-expect na 'yung isang Jake Vargas ganu'n kabait. Palabiro din po si Jake like me so du'n po talaga kami naging kumportable sa isa't-isa," dagdag niya.

Pag-amin ni Kyline, mahirap ang ginagawa niya ngayong pagpapalit ng mga karakter, dahil sa takbo ng istorya ngayon, ang kaluluwa ni Crisan (Bianca Umali) naman ang sumapi kay Cheska de Villa (Kyline), at ginagawa niya ang lahat para mabawi ang kaniyang katawan na sinapian ni Criselda (Pauline Mendoza).

Inihayag ni Kyline noon na nahihirapan siyang maging bida.

"Siguro po si Cheska, ako po talaga iyon, kung ano 'yung pinaghandaan ko. Pero 'pag Crisan and Crisel, siyempre po may mga past actresses po na nag-portray ng character na 'yon so kailangan ko po silang kausapin. Kailangan ko rin kausapin 'yung creative team kung ano 'yung mga napapansin nilang nuances," paliwanag niya.

"Siyempre po mahirap po siya. [Pero] ine-enjoy ko lang po siya, 'yun naman siguro ang importante, i-enjoy niyo lang po 'yung binibigay sa 'yo and mas i-improve pa," dagdag ni Kyline.

KYLINE THE SINGER

Sabay nang aasikasuhin ni Kyline ang pagiging artista at pagiging singer matapos pumirma ng kontrata sa GMA Records. Ngunit hindi raw siya magrereklamo dahil ito ang gusto niyang trabaho.

"Working double time. 'Yung Artist Center na po ang bahala sa schedule ko. Katulad nga po ng sinabi ko, 'Bigyan niyo lang ako nang bigyan ng trabaho, hindi po ako magrereklamo, I promise that. 'Yun po talaga 'yung hindi ko gagawin, 'yung magreklamo kasi ito po 'yung gusto ko eh. And hindi po ako napapagod na pasayahin 'yung mga 'Sunflowers' na sumusuporta sa akin," saad niya.

May mga plano na ngayon para sa kaniya ang GMA Records.

"Kung ano po 'yung ibibigay nila sa aking material. Nag-meeting po kami about that and nanghingi po sila ng ideas kung ano 'yung gusto kong maging tunog ng kanta ko, kung anong gusto kong maging lyrics. Nagkaroon din naman po ako ng stand sa mga gagawin naming songs," sabi ni Kyline. -- FRJ, GMA News