Muling nasangkot sa usapin ng iligal na droga ang batikang aktor na si Julio Diaz matapos maaresto ng mga awtoridad sa isang buy-bust operation sa Meycauayan City, Bulacan.

Ayon kay Bulacan Provincial Police Office Senior Superintendent Romeo Caramat, naaresto si Diaz (Mariano de Leon sa tunay na buhay) dagong 12:40 am matapos na magbente umano ng shabu sa impormante ng pulisya.

Itinanggi naman ng aktor na tulak siya ng shabu bagaman inamin niyang gumagamit siya ng droga.

Kasamang naaresto ni Diaz ang isang Ronald Gomez.

Ayon sa pulisya, bukod sa isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nabili ng poseur buyer sa halagang P500, nakuha rin umano kina Diaz at Gomez ang ilan pang sachet na may laman na hinihinalang droga na may street value of P60,000.

Kasama umano ang aktor sa "high value" targets ng awtoridad sa kampanya laban sa iligal na droga.

READ: Julio Diaz, lumapit sa pulisya para linawing wala siyang kinalaman sa droga

Noong 2016, dumulog sa pulisya ng Meycauayan si Julio para linisin ang kaniyang pangalan matapos na isama raw siya sa listahan ng mga gumagamit ng iligal na droga sa kanilang barangay.

Ilan pa sa mga celebrity na nasangkot dahil sa iligal na droga ay sina Robin Robel, na miyembro ng grupong Masculados; Fliptop artist na si Pedro "Zaito" Canon, Jr.; disk jockey, host at model na si Karen Bordador; sexy starlet na si Krista Miller; dating sexy star na si Sabrina M; at dating matinee idol na si Cogie Domingo. -- FRJ, GMA News