Nag-post ng mensahe sa kaniyang Instagram account nitong Miyerkoles ang actor-turned-politician na si Quezon City Councilor Roderick Paulate na may hashtag na "paulit-ulit." Bago nito, naghain ng reklamong katiwalian at multiple counts of falsification ang Ombudsman laban sa kaniya dahil sa umano'y 30 ghost employees nito noong 2010.
Ang kaso laban kay Roderick Paulate at sa kaniyang liaison officer na si Vicente Esquilon Bajamunde ay isinampa ng Ombudsman sa Sandiganbayan.
Batay sa reklamo, nagsabwatan umano ang konsehal at si Bajamunde sa gawa-gawang mga empleyado para sa kanilang personal na kapakinabangan.
Una nang inirekomenda ng Ombudsman na tanggalin sa kaniyang puwesto si Roderick dahil sa umano'y mga ghost employee pero iniapela ang reklamo sa Court of Appeals, at binaliktad ang naturang rekomendasyon laban sa aktor.
Sa kaniyang IG account, nag-post si Roderick ng Bible verse at nilagyan niya ng #paulit ulit #samesame # ang caption.
"Pagkatapos ng Barangay Election sa May 14 susunod na naman ang filing ng mga kandidatong tatakbo sa Oct para sa local election sa May 2019 sa QC. Lord, ano naman po ang susunod nila? Noone is more powerful than you Lord. Noone is above your Name!," anang aktor.
Sinagot din ng konsehal ang komento ng isa niyang follower at sinabing hindi dapat basta paniwalaan ang mga balita na mali umano ang impormasyon.
"Di na nila maloloko ang tao ngayon iilan na lang ang naniniwala sa knila.. sana ang tao wag basta basta maniniwala sa news lalo na pag mali ang info. #ayaw ni PRRD ng ganyan," sabi ni Roderick.
Nakasaad sa reklamo na nakakolekta umano sina Roderick at Bajamunde ng sahod para sa sinasabing ghost employees na umaabot sa P1.1 milyon mula July 1 hanggang November 15 .
Para sa kanilang pansamantalang kalayaan, inirekomenda ang piyansang P246,000 para sa konsehan at P222,000 para kay Bajamunde.-- FRJ, GMA News
