Sa presscon ng inaabangang bagong Kapuso primetime series na "The Cure," naitanong kay LJ Reyes kung kailan sila ikakasal ni Paolo Contis na tatlong taon na niyang nobyo.

“Huwag niyo naman akong i-pressure,” natatawang sagot ng aktres.

Paliwanag ng Kapuso actress, “Para sa akin, mas gusto ko na, siyempre, coming from failed relationships, ayokong madaliin.

“Siyempre it’s something naman na talagang dapat talaga pinag-iisipang mabuti… siyempre, kay Aki, ganyan.

“Although close naman talaga sila, pero huwag nating madaliin yung proseso.”

Si Aki ay ang anak ni LJ sa dating nobyong si Paulo Avelino.

Si Paolo naman ay may dalawang anak na babae sa dati niyang asawa na si Lian Paz.

Magtatatlong taon na ang relasyon nila ni Paolo, hindi ba sila naiinip?

Tugon ng 30-year-old actress, “Tingin ko naman, sa lahat ng babae, iyon ang pangarap.

“Siguro natutunan ko sa buhay, na huwag madaliin ang mga bagay-bagay.

“Sa age kong ito, hindi ka naman papasok sa isang relationship na tingin mo hindi kayo align sa future, di ba?

“So siyempre, yung mga sa future, dapat talagang pag-usapan ‘yan kung nasa isang relationship kayo na seryoso.”

Si Paolo na nga ba ang the one niya?

“Sana naman ano! Ayoko na, ha!” natatawang sagot ni LJ.

Nakausap ng PEP.ph (philippine Entertainment Portal) si LJ sa presscon ng "The Cure," ang upcoming prime time series ng GMA-7, kung saan gaganap siya bilang si Katrina.

Kasabay nito, kinagulat din ng aktres nang makasama siya sa tsismis na plano na ring lumipat daw sa ibang network.

Ayon kay LJ, masaya siya bilang isang Kapuso. --For more showbiz news, visit PEP.ph