Kahit tatlo na ang anak, hindi ito naging hadlang kay Sunshine Cruz para hindi niya ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral at makapagtapos ng kolehiyo. Ngayon naman, plano niyang kumuha ng masters sa psychology.
Sa Star Bites report ni Lhar Santiago sa GMA News "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing naghahanda na rin si Sunshine para sa kaniyang paghahanda sa upcoming Kapuso serye na "Karibal Ko ang Aking Ina."
Sabi ni Sunshine, excited na rin siyang makatrabaho ang iba pang Kapuso artists.
"I'm very happy and excited. It's our first taping day of 'Karibal Ko Ang Aking Ina.' I'm really very excited to be working with napakagagaling na artista. Like Ms. Bing Loyzaga, sila Zoren, Bea Binene, Benjamin Alves and a lot more. So sana po abangan niyo po itong aming teleserye, malapit na po," kuwento niya.
Makakaaway daw ng karakter ni Sunshine ang karakter ni Bing Loyzaga.
"Isa akong dating probinsyana na na-in love [sa karakter ni] Zoren Legaspi, pero along the way merong mga komplikasyon kasi parang meron siyang something [sa karakter ni] Bing Loyzaga. Kaya lang merong mabubuo [at iyon ang karakter ni] Bea. Doon dadaloy ang kuwento kung bakit ang title ay 'Karibal Ko Ang Aking Ina,'"kuwento niya.
"Sa present, makikita niyo ako na isang fashionista, fierce, couturier. Something new," ayon pa kay Sunshine.
Ayon pa kay Sunshine, ang kaniyang pag-workout ay tanda ng kaniyang pag-aalaga sa sarili.
"Yes, up to now, non-stop ang preparation, kailangan maganda tayo palagi at bongga ang pagbabalik dito sa GMA. Sobra ako ngayon mag-workout and I'm taking care of myself more," kuwento niya.
Samantala, sinabi naman ni Sunshine na matagal na niyang pangarap ang makapagtapos ng kolehiyo, para rin sa kaniyang mga anak.
"Pangarap ko naman noon pa makapagtapos tayo ng kolehiyo pero hindi ko lang nagawa kasi nga napakaaga kong nag-artista. All my children are excelling in school, palagi ko silang nire-remind na, 'Galingan niyo ang pag-aaral ninyo', parang nakakahiya naman din on my part na lagi ko silang ina-advice-an na mag-aral eh ako nga hindi nakatapos ng kolehiyo. So nag-aral ako sa Arellano University, at nakatapos ako ng BA in Psychology," paliwanag ni Sunshine.
"Pangarap ko pa, at nasa bucket list ko na makapag-masters. But for now, ang akin munang pangarap ay of course, makapag-ipon para sa future ng aking mga anak," ayon pa sa kaniya.
"Flattered" si Sunshine sa tuwing sinasabi ng mga tao na parang mga kapatid niya lang ang kaniyang mga anak.
"I think when you are just happy and you have peace of mind, hindi masyadong nakakatanda. Less stress, basta iwas lang sa stress. And when I have problems, I just lift it up to God, of course." -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
