Ikinuwento ng aktres na si Sheryl Cruz ang kaniyang naging buhay sa Amerika nang iwan noon ang showbiz matapos ma-in love at magpakasal kay Norman Bustos.

Taong 1996 nang iwan ni Sheryl ang mundo ng showbiz sa Pilipinas at nagtungo sa Amerika. Doon na rin sila ikinasal ni Norman.

Sa panayam ni Rhea Santos para sa "Tunay Na Buhay," sinabi ni Sheryl na ibang-iba ang naging buhay niya sa Amerika kumpara sa Pilipinas.

"Nasubukan ko pati maglinis ng sarili mong bahay, mag-drive ng sarili mong sasakyan," kuwento niya.

"I'm a regular person," sabi pa ng aktres.

Doon na rin ipinagpatuloy ni Sheryl ang kaniyang pag-aaral hanggang sa nakatapos siya ng kolehiyo.

Taong 2004 nang bumalik sa Pilipinas si Sheryl at bumalik siyang muli sa pag-arte.

Ang naging unang proyekto niya, ang Kapuso series na "Now And Forever," at nasundan pa ng iba pang programa. Pero isa raw sa mga pinaka-memorable sa kaniya ang "Oh My Mama," kung saan kasama niya ang kaibigang si Epi Quizon na gumaganap na bading sa serye.

Mula noon hanggang ngayon, masaya at nagpapasalamat si Sheryl na patuloy siyang sinusuportahan ng kaniyang fans na ang iba ay mga propesyunal na raw.

Panoorin ang naturang panayam ng "Tunay Na Buhay" kay Sheryl Cruz.

--FRJ, GMA News