Tulad ng ibang Filipino singer, inamin ni Nar Cabico na may mga natatanggap din siyang offer sa abroad na maaaring ikalago pa ng kaniyang career, ngunit may dahilan siya kung bakit mas gusto niyang manatili sa Pilipinas.
Sa press conference ng GMA Artist Center para sa kanilang mga artists nitong Miyerkoles, ikinuwento ni Nar na kabi-kabila ang mga alok sa kaniya, kasama ang pag-audition sa isang role sa sikat na musical na "Miss Saigon."
"Actually, on the side, I recently recorded an original track with a producer based sa LA. dati siyang producer ni Apl.de.Ap tsaka ng Black Eyed Peas. It's in the works and tingnan natin. But recently for Miss Saigon, I was invited, it's a special audition for [the role] The Engineer," sabi ni Nar.
Ngunit tila hindi pumapasok sa kaniyang isip ang piyesa ng "Miss Saigon."
"And for some reason, hindi po pumapasok sa piyesa 'yung inaaral ko siya. One of my really closest friends, si Red Concepcion, is currently the The Engineer for West End tour so sabi ko sa kaniya, 'Penge namang tips,' although sabay kaming nag-audition ng 'Wagas.' Pero siguro 'yung reason kung bakit hindi pumapasok sa utak ko 'yung piyesa ng Miss Saigon kasi I look back at what happened to me, the past year, and everything points out to staying," paliwanag niya.
Ayon kay Nar, mas gusto niyang gamitin ang kaniyang talento para sa mga Pilipino.
"For example, like few months ago, my first trophy was awarded to me as a songwriter. So parang 'pag inaral ko 'yung 'The American Dream' pa 'yung title, parang wala pala ako nu'ng American Dream. Parang gusto ko, 'yung mga kuwentong gusto kong isalaysay ay para sa Pilipino, tungkol sa Pilipino, tungkol sa local stories natin," patuloy niya.
Matatandaang nanalo sa PMPC Star Awards for Movies ang komposisyon ni Nar na "Natapos Tayo" bilang "Best Original Movie Theme Song of the Year" para sa pelikulang "All of You" na ipinalabas noong MMFF 2017.
"Nag-apologize na lang ako kay sir Bobby Garcia na hindi ko rin talaga siya naaral. However, as a musician, meron akong mga side [raket]. Last year po pumunta akong New York for a gig, like the client was just so happy with me and she's like 'Can I bring you to New York?'," kuwento niya.
"For 20 days they managed to fly me and parang sabi niya, 'Just get your visa so I can fly you every now and then.' They produce concerts kasi du'n eh, parang huli nilang pinroduce, si Jennifer Hudson," patuloy niya.
Sa kabila nito, mas gusto pa rin daw ni Nar na manatili sa Pilipinas na kapiling ang kaniyang pamilya at mga kababayan.
"Pero hindi siya urgent for me. Kasi nag-e-enjoy ako nandito 'yung pamilya ko, andito 'yung mga magulang kong matatanda na. I love my country, I love singing here, I love creating with fellow Filipinos and sa palagay ko naman, with the internet, everything is international," sabi niya.
"Kumbaga, local singers from making waves elsewhere because the quality speaks for them. And I think more than anything, hindi na importante kung iba-brand natin na international ba 'to o pang-local, I think quality is quality, that's what I will always try to do," ayon pa kay Nar.
Isa sa mga kanta sa soundtrack ng GMA series na "The One That Got Away" na "Gaga," ay likha ni Nar. -- FRJ, GMA News
