Hindi naiwasan ng cast members ng "The One That Got Away" ang maging emosyonal sa last taping day ng rom-com series. Sa finale sa Biyernes, makikita raw ang kakaiba nitong ending at ang malaking pasabog.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing mahigpit na yakap ang ibinigay ni Max collins sa kaniyang mga katrabaho.

Si Lovi Poe naman, sinadyang lumayo muna sa kaniyang mga katrabaho upang pigilin ang sarili na maiyak din.

"Like Rhian [Ramos] and Lovi are sisters to me and Mars naging beshie ko sa totoong buhay," sabi ni Max. "It has been a crazy ride but sobrang nag-enjoy kami, naging isang family na kami."

Bukod sa mga masasayang memories, hinding-hindi raw makakalimutan ng "TOTGA" girls ang pagkakaibigang nabuo nila sa set at mga natutunan nilang aral.

"Natutunan ko kay Zoe [role niya] is 'do not judge a book by its cover', na kapag nakakita ka ng ibang tao, napakadali [kasi] nilang mag-judge. Pero iba pa rin kapag kikilalanin mo ang puso," sabi ni Rhian.

Ayon naman kay Lovi, "Siyempre lahat naman tayo lagi natin pinipili ang careers natin, but we should never forget family and the people we love sila pa rin dapat ang number one."

Hanggang sa dulo, patuloy daw na maghahatid ng kilig at katatawanan ang serye at kakaiba ang kanilang ending na may malaking pasabog pa na hindi dapat palampasin.

"May surprise na mangyayari na eksena na hindi aasahan ng manonood natin kaya dapat abangan talaga," pag-anyaya ni Dennis.-- FRJ, GMA News