Nakatanggap ng pagbabanta ang singer-actress na si Agot Isidro na sasabuyan ng asido ang kaniyang mukha nitong Miyerkules. Ang pulisya, sinabing hindi tama at mananagot sa batas ang sinumang nagbabanta kahit sa social media.

Sa post ni Agot sa kaniyang Twitter, ipinakita ang screenshots sa pagbabanta ng may username/handle "real@RusCo87690206, "Malaman ko lang presCon mo pupunta talaga ako. I'll make sure labnos mukha mo sa asido."

 

 

Isa pang post, nakasaad naman ang mensahe para kay Agot na,"F_ck you PO! Aalamin ko venue ng prescon mo bubuhusan talaga kita ng asido."

Kilala si Agot na kritiko ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Inalerto naman ng mga follower ni Agot at ipinaabot sa pamamagitan ng Twitter account ng Philippine National Police ang natanggap na banta ng singer-actress.

Tumugon naman sa pamamagitan ng mensahe ang PNP at nakasaad na,  "Salamat sa pag tag. Maari po mag reklamo sa PNP Anti Cyber Crime para sa mga ganitong threat sa social media.  Di po tama manakot na magsaboy ng asuido. Mananagot po sa batas @RusCo87690206."

 

 

Pinasalamatan naman ni Agot ang kanilang followers sa pag-report sa naturang pagbabanta,  at sa PNP sa kanilang pagtugon.

 

 

Suspindido na ang account ni "real." —FRJ, GMA News