Aminado si Kyline Alcantara na malaking pagsubok sa kaniya ang pagganap sa tatlong karakter sa "Kambal, Karibal." Ibinahagi rin niya na may bagong karakter na mapapanood sa tinututukang Kapuso primetime series.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing emotionally and physically challenging daw para kay Kyline ang pagganap sa serye lalo na ngayon na tatlong roles ang salit-salitan niyang ginagampanan.
Sa serye, binigyang buhay ni Kyline ang role bilang si Cheska. Nagbait-baitan siya nang sumanib sa katawan ni Cheska ang kaluluwa ni Crisan [Bianca Umali], at naging malupit nang sumanib naman si Crisel [Pauline Mendoza].
Pero kahit paiba-iba ang mga role, kinakaya ito ni Kyline dahil pinag-aaralan din niya ang mga karakter ng bawat isa.
Paliwanag ni Kyline, sensitive at madamdamin ang karakter ni Crisan, habang puro inggit ang nakikita niya sa karakter ni Crisel.
"Si Cheska, nagsi-seek ng pagmamahal sa parents niya sa pagmamahal ng lahat kasi nga po first of all ampon siya," paliwanag pa niya.
Hindi na rin daw nagpapaapekto si Kyline sa mga namba-bash sa kaniya dahil sa inis sa kaniyang karakter.
Pero kung minsan, sinasagot daw niya in a professional way ang ilang puna lalo na kung below the belt at idinadamay ang kaniyang pamilya.
Ngayong linggo, pumanaw na ang karakter ni Makoy [Jeric Gonzales] na kaibigan ni Crisan. Kasabay, nito ang pagguho ng mundo ni Diego [Miguel Tanfelix] dahil sa matinding galit sa kaniya ni Crisan.
Asahan daw ang mas matitindi pang eksena at mga panibagong rebelasyon.
"May darating po na isang [bagong] character na espesyal para kay Cheska," ayon kay Kyline. -- FRJ, GMA News
