Inihayag ng Philippine National Police nitong Sabado na mapayapa ang pagdiriwang ng Biyernes Santo sa buong bansa.

Sa isang pahayag, sinabi ng PNP na idinaos ng mga Katoliko ang mga Misa at prusisyon sa maayos at magalang na pamamaraan, na sumasalamin sa “cooperation and discipline of the public and local leaders.”

Sinabi ng PNP na nananatili itong nakaalerto para sa Sabado de Gloria.

Sinabi ng PNP na ipinadala ang mga pulis sa mga pangunahing lugar para tulungan ang mga bumibiyahe at mga namamanata, at ipinuntong ang mga simpleng pag-iingat—gaya ng pagpaplano ng mga biyahe, pagsunod sa mga batas-trapiko, at pagbabantay sa mga bata malapit sa tubig—ay nakatutulong na matiyak na ligtas at kasiya-siya ang bakasyon.

Kabilang sa mga tradisyong isinagawa sa Maynila nitong Biyernes Santo ang prusisyon ng imahen ng Jesus Nazareno, na tumagal ng 13 oras, 18 minuto, at 37 segundo bago matapos. May kabuuang 517,650 deboto ang lumahok sa prusisyon. 

Inaasahang mas maraming Pilipino ang bibisita sa mga destinasyon at resort ng turista habang papalapit ang Linggo ng Pagkabuhay.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ng hepe ng PNP na si Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang publiko na planuhin nang maaga ang kanilang mga biyahe at sundin ang mga paalala ng PNP para sa ligtas na paglalakbay.

Sinabi ng PNP na sinusuportahan ng patuloy nitong presensya ang PNP Focused Agenda sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations at mga direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“The PNP urges everyone to stay cautious and observe Holy Week safely, ensuring a peaceful and worry-free period of reflection and devotion. Kung may anumang emergency, huwag mag-atubiling tumawag sa Unified 911 o lumapit sa pinakamalapit na presinto,” sabi ni Nartatez.

Samantala, naobserbahan din ang magaan na daloy ng trapiko sa mga pangunahing expressway nitong umaga ng Sabado De Gloria,, ayon sa mga update ng trapiko mula sa mga operator ng toll roads.

Inaasahang titindi ang trapiko nitong weekend habang bumabalik ang mga bakasyonista sa kanilang mga tahanan para sa trabaho sa Lunes. —VBL GMA News