IIang buwan matapos niyang aminin ang kaniyang sexual identity, balik-entablado na si Mark Bautista para sa isang musical play na inspired mula musika ng Apo Hiking Society.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, inamin ni Mark na naging mahirap para sa kaniya ang ilang buwan matapos lumabas ang kaniyang tell-all book na inamin niya ang kaniyang sexual preference.
"Hindi ako nagbabasa ng online news, hindi ako lumalabas ng bahay, hindi ako nakikipagkita sa mga friends ko," kuwento ng aktor.
Pero dahil na sa suporta ng kaniyang pamilya at mga kaibigan, unti-unting bumangon si Mark at mag-move on.
Sa ngayon, kasama si Mark sa "Eto Na! Musikal Napo!," na tampok ang mga awiting pinasikat ng Apo Hiking Society.
Makakasama niya rito ang Kapuso actress na si Rita Daniela at magkakaroon daw sila ng on-stage kissing scene sa play.
"Kumportable si Rita dahil nung sa Sunday All Stars sa GMA pa, nakaka-team ko na siya. Nakaka-biruan ko na siya. Tuwang tuwa siya sa akin," ani Mark.
Sabi naman ni Rita, "Maraming times, hindi pala siya minsan, most of the time natatawa kami palagi. Kasi nga we're really, really good friends." -- FRJ, GMA News
