Pinagtibay ng Department of Justice (DOJ) ang nauna nitong desisyon na ibasura ang reklamong rape at attempted rape na isinampa laban sa TV host-actor na si Ferdinand "Vhong" Navarro.

Sa resolusyon ng DOJ na may petsang April 30, ibinasura ng DOJ ang petition for review na inihain ng kampo ng model-stylist na si Deniece Cornejo. Ito ay makaraang ibasura ng DOJ noong September 2017 ang reklamo niya laban kay Vhong dahil sa kawalan umano ng basehan.

Matatandaan na inakusahan ni Deniece si Vhong nang panghahalay noong Enero 17, 2014 at naulit pa raw noong Enero 22 sa tinutuluyan niyang condo unit.

Pero noong Enero 22, naabutan umano ng grupo ng negosyanteng si Cedric Lee ang insidente kaya nabugbog nila si Vhong na dahilan para maospital pa ang aktor.

Nanindigan ang DOJ na walang naipakitang sapat na ebidensiya si Deniece para tuluyang kasuhan at litisin si Vhong sa kasong rape at attempted rape.

Nauna nang itinanggi ng aktor ang paratang laban sa kaniya.-- FRJ, GMA News