Sa pagtatapos ng Kapuso hit primetime series na "Kambal, Karibal," tututukan muna ngayon ni Kyline Alcantara ang paghahanda sa kaniyang upcoming concert at acting workshops para mahasa pa lalo ang kaniyang pag-arte.
Sa Star Bites report sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing dumagsa ang fans sa ticket selling ng "Take Flight" solo concert ni Kyline.
Nagtungo sa lugar si Kyline para personal niyang pasalamatan ang kaniyang fans na kung tawagin ay "Sunflowers."
Ang mga bibili ng platinum ticket, makakatanggap din ng libreng album mula kay Kyline.
Matagal nang pangarap ni Kyline na makapag-concert kaya marami raw siyang surprise guests na tiyak manghaharana at magpapakilig sa mga manonood.
Bukod sa concert, pagtutuunan daw muna ng pansin ni Kyline ang kaniyang album at acting workshops para mahasa pa ang kaniyang pag-arte.
"Gusto ko ang kontrabida, bida-kontrabida. Gusto ko rin maging stuntwoman. Nag-enjoy ako masyado sa roles na pisikal [kaya] sana next is action [project]," anang actres-singer. --FRJ, GMA News
