Muling pumirma ng kontrata sa GMA Network nitong Lunes ang batikang aktor na si Gabby Concepcion. At matapos ang kaniyang top-rating afternoon series na "Ika-6 Na Utos," pang-primetime naman ang susunod niyang proyekto.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras," sinabing kabilang sa mga pumirma sa panig ng Kapuso network sina GMA Chairman and CEO Atty. Felipe Gozon at Entertainment Group Senior Vice President Lilybeth Rasonable.
Kasama naman ni Gabby ang kaniyang manager na si Popoy Caritativo.
"I'm really very happy because magaganda ang mga palabas namin, magaganda 'yung mga show, very successful. Magagaling kasi 'yung mga boss namin, magagaling ang mga artista, lahat ng mga staff, ang creative, ang crew," ayon sa aktor.
Sabi naman ni Atty. Gozon, "Alam naman ng lahat na si Gabby, isa sa pinakamagaling na artista 'yan, walang kupas, lahat ng ginawa niya sa atin nagre-rate. So tayo ay nagpapasalamat na pumayag siyang mag-renew sa atin and we're hoping to give him more projects."
May niluluto na raw na bagong project para kay Gabby matapos ang matagumpay na "Ika-6 Na Utos."
"Siyempre after 'Ika-6 Na Utos' kailangan mabigyan 'yan ng follow up na matindi, at 'yan ang gagawin natin. He will have another soap this time it will be on primetime," saad ni Ms. Lilybeth.
Ayon kay Gabby, nakita raw niya na mayroong isang proyekto na ilalatag na maganda.
"First time na mangyayari ito, maski ako excited ako," masayang sabi ng aktor. -- FRJ, GMA News
