Bakas ang lungkot sa mga mata ni Anthony Rosaldo nang ibahagi sa programang "Mars" ang mga huling sandali na nakasama niya ang namayapang ama nang dahil sa sakit na cancer. Pero tuluyang tumulo ang kaniyang luha nang magbigay ng mensahe ang kaniyang ina.
Ayon kay Anthony, finalist sa Kapuso singing competition na "The Clash," sumali na rin siya noon sa iba pang GMA contests tulad ng "Pinoy Pop Superstar" ngunit hindi pinalad.
Dahil dito, sumali siya sa banda para mas mahasa pa.
Hindi naman daw nagtagal ay nakakuha sila ng offer sa abroad. Ngunit taong 2013, malaman niyang may sakit ang kaniyang ama habang nasa ibang bansa siya.
"That was 2013 po nu'ng nalaman namin na may sakit siya. Umalis po ako. Nag-undergo po siya ng mga tests. Kakagaling niya lang po actually sa tuberculosis. And then yun po nawalan po bigla ng boses ang papa ko habang nasa Philippines ako, and then I had to leave po. Tapos nalaman ko po, nasa Singapore na po ako nu'n, na terminal stage na po pala siya," malungkot na pagbabalik-tanaw ni Anthony.
Ayon pa kay Anthony, hindi siya nakauwi agad dahil sa kaniyang kontrata sa Singapore. Ngunit kalaunan, pinayagan din siya na makauwi ng dalawang araw.
"Tinry ko po umuwi ng December that year to see him for two days kasi I was given a leave for two days, pumayag po sila. Pagdating ko ng Philippines, I went straight to the hospital with my luggage and I went there to see him," sabi ni Anthony.
Patuloy niya, "And nasa ospital na siya nakahiga, all smiles pa rin ang dad ko, strong. I also have to be strong for him so wala akong pinakitang lungkot para kahit paano 'yung mga remaining days niya na maalala niya, masaya kami."
Sabi ni Anthony, nararamdaman niya ang gabay ng ama sa bawat sinasalihan niyang kompetisyon, at nakakamit na niya ang pangarap nilang dalawa.
Nang magbigay ng mensahe ang ina ni Anthony, hindi na niya napigilan ang emosyon at pumatak na ang kaniyang luha.
Panoorin ang emosyonal na palitan ng mensahe ni Anthony at ng kaniyang inang si nanay Elisa.
--FRJ, GMA News
