Naglabas ng sama ng loob si Willie Revillame sa gumagamit sa "Wowowin" at sa mga inosenteng tao para magkapera. Kasabay nito, nagdeklara rin ang host ng programa na hindi siya papasok sa pulitika.

"Para matapos na, kaya ayokong magpulitika, hindi ko kayang iwanan ang programang ito para sa inyo," sabi ni Wiilie sa episode ng "Wowowin" nitong Martes ng hapon.

Umugong ang mga espekulasyon na baka pasukin ni Willie ang pulitika ilang buwan na ang nakalilipas matapos silang magkausap ni Davao City Mayor Sara Duterte, na lider ng partidong Hukbong ng Pagbabago.

Kung papasok si Kuya Wil sa pulitika, mapipilitan siyang umalis sa "Wowowin" sa sandaling maghain siya ng certificate of candidacy (COC) na magsisimula sa darating na Oktubre para sa 2019 mid-term elections.

Ginawa ni Willie ang deklarasyon kasabay ng paglalabas niya ng sama ng loob sa umano'y nangraraket sa "Wowowin."  Mayroon umanong kumukuha ng mga tao na hindi magkakakilala at palalabasin na mula sila sa isang barangay upang makapasok at makasali sa mga palaro ng programa.

"Magpapa-book, magsasama ng tao. Kapag nanalo, hihingan ng pera, kakalahatiin. Alam ko na lahat iyan, tigilan na iyan. Raket iyan," pahayag ni Kuya Wil.

Dati nang nagbabala si Kuya Wil tungkol sa modus pero lalo niya itong napatunayan na totoo nang may isang matandang babae ang umamin na kinuha siya ng isang nagngangalang "Susan" at ipinasama sa ibang grupo kahit hindi kakilala.

Kilala si Kuya Wil na malapit at maawain sa mga matatanda kaya binigyan pa rin niya ito ng regalo.

Sabi niya, hindi patas sa ibang lihitimong grupo na matiyagang pumipila para makapasok sa studio kung makapaglalaro ang grupong hindi naman talaga magkakakilala.

"Kawawa yung ibang pumipila, nagpapa-book 'tapos gagastos, makukuhanan lang kayo ng pera,"  saad ng host.

Dahil sa pangyayari, sinabi ni Kuya Wil na hihigpitan ang mga grupong papasok at hindi dapat payagan ng mga grupo na magpasama nang hindi nila kakilala.

"Kawawa naman yung Wowowin. Kawawa naman kami dito sa GMA. Tapat kaming maglingkod, tapat kaming magbigay ng kasiyahan sa inyo, 'tapos ganiyan pa ang gagawin niyo sa programa? Kawawa naman kami," pahayag niya.-- FRJ, GMA News