Natupad ang pangarap ng Top 6 Clasher na si Anthony Rosaldo dahil naka-duet niya ang Asia's Songbird at "The Clash" Master na si Regine Velasquez-Alcasid.
Sa video na naka-post sa Facebook account ni Anthony, umabot na sa mahigit isang milyon ang views ng duet nila ni Regine sa awiting "Hanggang Ngayon."
Kitang-kita ang excitement kay Anthony na halos maiyak pa sa pambihirang pagkakataon na makasama sa pagkanta ang Asia's Songbird sa isang restaurant.
Sa nakaraang finals ng "The Clash," matatandaang pumili ang judges sa pagitan nina Anthony at Jong Madaliday nang isasabak sa finale at makakatapat si Golden Cañedo ng Cebu.
Mas pinili ng mga hurado si Jong pero tinalo siya ni Golden, na hinirang na first grand winner ng "The Clash."-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
