Excited na ang mga Kapuso star na nagbigay-boses sa mga pangunahing karakter sa kauna-unahang Pinoy anime series na "Barangay 143" na mapapanood sa GMA Network
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA news "24 Oras" nitong Lunes, sinabing kahit boses lang nila ang ginamit sa mga pangunahing character sa "Barangay 143," hindi pa rin maiwasang kabahan nina Julie Anne San Jose, Ruru Madrid, Migo Adecer at Kelley Day sa simula ng pagpapalabas nito sa Linggo.
"Mas malaking pressure kasi this is the first time na maki... kumbaga, mapapakinggan ng mga tao 'yung boses namin, kumbaga 'yung boses namin mapapanood nila," sabi ni Ruru.
"May kahalo siyang excitement kasi first time po namin na, na mag, mag-voice acting eh," pahayag naman ni Julie Anne.
Samanatala, kahit parehong lumaki sa bansang ingles ang lenggwahe, sinabi nina Migo at Kelly na tamang-tama ang napunta sa kanilang mga karakter.
"I still have bulol moments and actually kailangan ni Bren T. Park [karakter niya] 'yun sa 'Barangay 143' dahil he doesn't know how to speak Pilipino pa, but he learns," paliwanag ni Migo.
"'Yung role ko kasi pure english. Well, actually may isang line na Korean pero, actually, that's hard. Pero inglesera po ako dito kasi taga-Korea ang character ko," saad naman ni Kelly.
Matapos ang unang Filipino anime na "Barangay 143", sa isang game app naman nakatutok si Ruru kung saan may ginagampanan din siyang karakter.-- FRJ, GMA News
