Libre pa rin ang visa para sa mga Pilipinong nagbabalak bumisita sa Taiwan sa loob ng 14-araw na magsisimula sa darating na Agosto 1, 2026.
Sa isang pahayag nitong Biyernes, sinabi ng Bureau of Consular Affairs ng Taiwan na ang mga Pilipino, pati na ang mga mamamayan ng Thailand at Brunei, ay maaaring pumasok sa Taiwan nang walang visa simula sa Agosto 1, 2026 hanggang Hulyo 31, 2027.
Sa ilalim ng programa, maaaring manatili sa Taiwan nang hanggang 14 na araw ang mga Pilipino nang walang visa, maliban sa mga may hawak ng diplomatic, official, o service passports.
Ayon sa bureau, inaprubahan ang pagpapalawig ng programa matapos suriin ang pagiging epektibo ng visa exemption program.
Kasunod naman nito, pinalawig din ng Pilipinas ang 14 na araw na visa-free entry para sa mga may hawak ng Taiwan passport. Bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng magkabilang panig na isulong ang turismo at palakasin ang ugnayan ng kanilang mga mamamayan.—FRJ GMA News

