Isang tao ang nasawi, habang pitong iba pa ang nasugatan matapos na bumangga ang isang sport utility vehicle sa ilang sasakyan sa EDSA sa bahagi ng Quezon City. Ang driver ng SUV posible umanong nakainom.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV camera ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), dakong 5:00 am nang biglang bumangga ang SUV sa isang sasakyan, bago nabangga pa ang dalawang motorsiklo, at bumaligtad.
Dahil sa lakas ng banggaan, tumilapon ang mga sakay ng dalawang motorsiklo.
Isa sa mga nakasakay sa SUV ang nasawi, habang sugatan ang mga nakasakay sa mga motorsiklo, maging ang driver ng SUV at taxi.
Base sa kuha ng CCTV camera, apat ang lahat ng sasakyan na tinamaan ng SUV.
Ayon kay Marites Timosa, driverr ng isa sa apat na sasakyang nabangga, unang sinalpok ng itim na SUV ang kaniyang pickup truck bago ito bumangga sa iba pang sasakyan. Kinumpirma ng Traffic Sector 1 ng Quezon City Police District (QCPD) ang kaniyang salaysay.
“May mga indikasyon na nakainom ang drayber ng SUV, pero sa ngayon, hihingi muna tayo sa Land Transportation Office ng ABA (alcohol breath analyzer) para makasigurado,” sabi ni Police Lt. Jason Santoceldes, commander ng QCPD Traffic Sector 1.
Dahil sa insidente, nagkaroon ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa northbound lane ng EDSA sa Balintawak. Muling naisaayos ang daloy ng trapiko pagkaraan ng isang oras nang maalis na ang mga naaksidenteng sasakyan.–Jean Mangalum/FRJ GMA News
