Aminado ang "Clasher" na si Garrett Bolden na inakala niya noon na uuwi na siya matapos na hindi palaring manalo sa singing competition na "The Clash." Sa halip, tuloy pa rin ang kaniyang trabaho ngayong kabilang na siya sa mga contract artist ng GMA Network.
Anthony Rosaldo and Garrett Bolden @gmanews pic.twitter.com/iQOSJQ3eZS
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) October 11, 2018
"Kasi alam mo 'yung mentality na 'pag natalo ka, uwi ka, tapos na. Ito hindi eh. After nu'ng finals tuloy-tuloy na. As in, 'Ha? As in hindi pa nga ako nakakuwi. So 'yung point na ganu'n, parang sobrang overwhelming," sabi ni Garrett sa contract signing nitong Huwebes kasama ang iba pang "Clashers."
Bukod sa lalabas siya sa musical-variety na "Studio 7," nais niya ring ilabas ang kaniyang sariling compositions at gumawa pa ng mga kanta.
"Hindi ko naman talaga in-expect na magga-grand champion ako eh. Kasi 'yung point pa lang na kasama na ako as a finalist, sobrang laking achievement na sa akin. Ngayon ang aim ko talaga is to write and bring out some original songs, my original songs. I want to duet other singers, [those] perform their original songs, kasi I've been doing covers eh," sabi niya.
Dagdag pa ni Garret: "I'll explore myself by, ginawa ko rin sa The Clash, I'll just bring out who I am as a singer. I want to give a different flavor sa music scene na mayroon ang GMA ngayon. I want to introduce some songs na hindi lang will be known by the Filipinos, but 'yung tipong hindi rin maririnig pati sa ibang bansa. 'Yung ganu'ng klase, kumabaga 'pag mangarap ka, lakihan mo na. 'Yun 'yung dream ko talaga."
Nagkakompiyansa sa sarili
Kasabay nito, nagpasalamat din si Garrett sa pagtanggap sa kaniya ng mga tao sa kabila ng kaniyang hitsura na maitim.
Pag-amin pa ni Garrett, inisip niya noon na magpaputi.
"Actually nu'ng napasama na ako sa finals, parang sabi ko nga, tinanggap ako ng tao, akala ko kasi hindi ako tatanggapin ng Filipino people. Pero tinanggap nila 'yon, kung ano ako, kung sino ako, so dapat, tanggapin ko rin 'yung sarili ko," saad niya.
Dahil African-American ang kaniyang ama, maitim ang kaniyang balat, matangkad, at mahaba ang buhok at kuloy, nagiging tampulan siya ng tukso noon sa eskuwelahan.
Dagdag niya, naisip niya noon na mag-glutathione at magpaplantsa ng buhok para bumagay sa "taste" ng mga Pilipino. Ngunit nagpapasalamat siya sa pagtanggap ng masa sa kaniya.
"Thank you sa kanila. 'Yun nga ang hindi ko in-expect eh kasi nasa utak ko, gusto ko ma-[reach] 'yung Filipino people kasi sa dami ng sinalihan ko lagi akong natatanggal, natatalo, so 'yung point na 'yon, akala ko hindi ako gusto ng masa. Pero this time kasi they accepted me and sabi pa nila, pang-international daw. So sobrang thankful ako na na-appreciate nila 'yon," sabi niya.-- FRJ, GMA News
