Kinatatakutan bilang kontrabida sa mga pelikula at teleserye si Gladys Reyes. Kaya naman sa programang "Tunay Na Buhay," tinanong ni Rhea Santos ang aktes kung sa likod ng camera ay istrikto ba siyang ina at namamalo ng apat na anak nila ni Christopher Roxas.

"Kung kailangan mamalo, mamamalo. Pero 'yung sabi ko nga, dapat mamalo nang may pagmamahal," paliwanag ng aktres. “Hindi 'yung kahit saan naman tamaan, hindi puwedeng ganun."

Dagdag pa ni Gladys, dapat maipaunawa rin ng magulang sa anak kung bakit kailangang nilang gawin ang pamamalo.

"Importante, 'yung communication na bakit mo pinalo. So, paghupa na ang lahat, may pag-aamo ring na kasama. Tapos, ini-explain mo nang mabuti," paliwanag niya.

Pabiro pang sinabi ng aktres na mahirap umanong magalit sa English na isa sa mga komunikasyon nilang pamilya.

Bilang asawa, inilarawan ni Gladys ang sarili bilang "wais" na misis at aminadong kuripot.

"Kuripot in such a way na hindi sa lahat ng pagkakataon kailangang maglabas ng pera ganyan," paliwanag niya.

Nagbigay din siya ng ilang tips kung papaano maging wais na misis tulad ng pagpapatupad ng "reduce, reuse, recycle." Panoorin ang bahagi ng naturang panayam sa video na ito.

Video courtesy of GMANetwork.com-Entertainment

-- FRJ, GMA News