Inihayag ni "Clasher" Anthony Rosaldo na kung mayroon man siyang gustong i-peg na batikang singer-performer, ito ay si Mr. Pure Energy Gary Valenciano.

"Si Sir Gary V. kasi, napakaklaro niyang kumanta, tapos 'yung mga songs niya, kasi 'yung isang favorite kong song niya, 'yung 'Sana Maulit Muli,' ang ganda ng delivery niya. Tapos ever since na napakinggan ko 'yung Sana Maulit Muli, sabi ko 'Eto 'yung isa sa mga artists na magaling mag-storytell," kuwento ni Anthony sa kaniyang contract signing sa GMA Records sa GMA Network nitong Biyernes.

"Tapos nata-translate niya 'yung message ng kanta sa song nang maayos na nararamdaman ng mga tao. Tsaka siya kasi 'yung ano eh, total package. Dances, umaarte rin siya. So 'yun lahat gusto kong subukan ngayon na binigyan na ako ng chance ng GMA," dagdag ni Anthony.

Dati na ring isinaad ni Anthony na talagang peg niya si Mr. Pure Energy, at hindi man niya ito mapantayan, "kahit paano, a step closer to him."

Natanong kung ano pa ang mga aspeto ng kaniyang sarili ang gusto pang i-improve ni Anthony.

"Siguro 'yung sa dancing. Kasi parang ano lang, hindi talaga siya 'yung main na talent ko. Singing talaga, pero I dance," saad niya.

Naikuwento rin ni Anthony ang kaniyang karanasan nang makatrabaho si Rayver Cruz sa Studio 7, kasabay ng mga komento ng mga fans na kamukha niya ang kapatid nito na si Rodjun.

"Nu'ng nag-tape nga kami sa Studio 7, napanood ko si Rayver. Kasi parang sinasabi ng fans kahawig ko si Rodjun. Tapos sabi ni Rayver sa akin, 'Oo nga oh, kapatid namin 'to ni Rodjun,' sabi niya sa akin. Tapos sabi ko sa kaniya, 'Nako dream ko bro, makasama ko kayo sa dance prod, kayong dalawa.' So ayun, parang kinikilig ako sa thought na puwedeng ma-improve pa 'yung dancing ko tsaka makasama ko sila sa magsayaw."

Marami raw ang nakakapansin na kamukha ni Anthony si Rodjun. "Fans tsaka pati staff ng GMA. Madaming fans lagi sa mga comments nila, hindi lang sa posts ko, pati sa posts ng GMA."

Pinuri naman ni Anthony si Rayver sa pagiging down to earth nito.

"Si Rodjun hindi ko pa nakakasama. Si Rayver, sa taping ng Studio 7 nakasama ko siya. Sobrang bait niya. Siya pa 'yung unang mag-hi sa 'yo. 'Bro!' ganiyan, tapos 'Congratulations ang galing ng performance mo!' Sobrang down to earth."

Kontrata na sa GMA Records

Ngayong may kontrata na sa GMA Records, isa pa sa mga pangarap ni Anthony ang makagawa ng sarili niyang album.

"Ay oo siyempre. Pero siguro dahil ini-introduce pa lang kami sa recording industry, 'yun munang single. Pero nilu-look forward ko, kasi para sa akin, mahirap maghanap ng song, 'yung babagay sa 'yo, 'yung papatok. Hindi puwedeng basta may song na ginawa sa 'yo tapos nagandahan ka 'Ay puwede na 'yan.' So gusto ko i-make sure na 'pag nagkaroon naman ako ng album, lahat 'yun tatatak."

May posibilidad na ang kaniyang unang single ay kanta tungkol sa istorya ng kaniyang buhay.

"I had this collaboration with a friend na nagsusulat. 'Yun 'yung tinitingnan namin unang ilabas na single. It's about my story, tapos siya 'yung naglapat ng music, tapos pinagtulungan namin 'yung lyrics," kuwento ni Anthony. —LBG, GMA News