Itatampok sa bagong Kapuso musical-drama series na "Inagaw Na Bituin" ang dalawa sa pinakamagagaling na young actresses ngayon na sina Kyline Alcantara at Therese Malvar.

Sa Star Bites report ni Lhar Santiago sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing makakasama ni Kyline at Therese sa proyekto ang mga de kalibreng artista tulad nina Sunshine Dizon, Angelika Dela Cruz, Marvin Agustin, Angelu de Leon at Gabby Eigenmann.

Magiging leading man naman sa serye ang Kapuso heartthrob na si Migo Adecer.

Mula sa matagumpay na serye nila ni Bianca Umali na "Kambal, Karibal," sinabi ni Kyline na nag-iisip na siya ngayon at pinaghahandaan kung paano nito maiiba ang kaniyang karakter sa "Inagaw Na Bituin."

Saad naman ni Therese, "Nagre-research po ako at nanonood ng tv or, at ng mga pelikula kung paano 'yung atake ko sa 'Inagaw Na Bituin.'"

Labis naman ang paghanga nina Sunshine at Marvin kay Kyline na nakatrabaho na rin nila sa "Kambal, Karibal."

"Honestly, I see her na she will really go places. She has a very good working attitude and talagang very dedicated sa trabaho," ayon kay Sunshine.

"Ang cute-cute na, very disciplined, very dedicated. ah, alam mo 'yung ginagawa ang lahat para maging magaling," dagdag naman ni Marvin.

Tiniyak naman ng iba pang senior actors na magiging kakaiba at maganda ang bagong proyektong ito ng GMA.

"Kaya exciting po ito kasi hindi lamang po dramahan, hindi lamang po actingan, may kantahan pa po," paliwanag ni Angelika.

"Bukod sa napakagaling na mga cast and director, exciting din 'yung buong, kabuuan ng istorya," ayon naman kay Angelu.

Sinabi naman ni Gabby, na magsisilbing reunion ng mga magkakaibigan at hindi lang mga co-actor ang proyekto.

"Kasi like si Angelika, Sunshine, bukod sa magkaka-same management kami, we've known each other since we were young. Same thing with Angelu," paliwanag ng aktor.--FRJ, GMA News