Hanga at proud si Kapuso Drama King Dennis Trillo sa pagiging propesyonal ng kaniyang ka-love team sa bagong GMA series na "Cain At Abel" na si Sanya Lopez. Ayon sa kaniya, parang beterana na ang aktres pagdating sa trabaho.
"First time ko siyang katrabaho at ginulat niya ako dahil, alam ko mga ilang taon pa lang siya sa industriya pero 'yung pinakita niyang attitude, 'yung pinakita niyang quality ng trabaho eh daig pa 'yung 10 year na veteran. Kasi gagawin niya ang lahat, 100%," kuwento ni Dennis sa mga showbiz reporters sa media conference ng programa kamakailan sa Quezon City.
"'Yung ipinapakita niya sa trabaho, na wala siyang arte kahit na anong ipagawa mo sa kaniya. Kaya niyang makipagsabayan sa mga beterano," dagdag ng aktor.
Hindi rin daw ipinakita ni Sanya na na-intimidate siya sa kanilang mga kissing at intimate scenes, bukod pa sa prepared ito sa kaniyang mga linya.
"Well sa pinakita niyang mga eksenang ginawa namin wala akong naramdaman na ganoon. Dumarating siya sa set na talagang alam niya 'yung mga eksena niya, alam niya 'yung lines niya, kaya ang sarap makatrabaho ng ganu'ng artista na talagang preparadong dumarating, alam niya 'yung homework niya," saad pa ni Dennis.
Inalalayan naman daw ni Dennis si Sanya.
"Of course naman, kahit naman sinong ka-eksena, bago man o beterano, siyempre, kailangan 'yung collaboration niyo, 'yung cooperation niyo sa isa't isa, kung paano kayo magre-react at kung paano niyo pagagandahin 'yung eksena," paliwanag niya.
Kuwento pa ni Dennis patungkol sa pagiging masipag ni Sanya sa trabaho.
"Binigay niya ang lahat para maging kapanipaniwala 'yung eksena na ginawa namin. Para sa akin wala siyang actor's block. Kumbaga wala siyang inhibitions. Basta sa kaniya na 'Ito 'yung gagawin mo, paghahandaan niya 'yon at ide-deliver niya ng 100%,'" patuloy ni Dennis.
"Walang arte sa kahit na anong eksena, talagang matutuwa 'yung direktor sa kaniya.... Hindi niya pinahirapan 'yung kahit sino sa amin na naka-eksena niya. Very pleasant siyang katrabaho eh, walang arte, walang kahit ano," patuloy niya.
Gagampanan ni Dennis ang karakter ni Miguel Larrazabal o Elias, na nawalay sa kaniyang tatay at kuya. Hiniwalay siya ng kaniyang ina sa pahamak at nagtungo sila sa isang fishing village para magtago.
Dito makikilala ni Elias si Margaret, na kaniyang magiging kasintahan.
Masusubukan naman ang paninindigan ni Margaret at kung hahayaan niyang masira ang kaniyang prinsipyo.
Mapapanood ang "Cain At Abel," na pagbibidahan din nina Dingdong Dantes at Solenn Heussaff simula sa Nobyembre 19 sa GMA Telebabad.-- FRJ, GMA News
