Tuwang-tuwa si "The Clash" grand champion Golden Cañedo nang ma-meet niya in person ang kaniyang batang avid fan na nag-viral online kamakailan dahil sa pag-iyak sa kagustuhan na makita siya.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, ipinakita ang nag-viral na video ng dalawang-taong-gulang na si Klea Maine Sismaet, na umiiyak habang tinatanong tungkol sa kaniyang idol na si Golden.
Sinabi ni Klea na idolo si Golden dahil sa husay sa pagkanta, at alam din niya ang programa kung saan ito napapanood.
Natupad naman ang wish ni Klea na makita nang personal ang kaniyang idolo nang makapanood sila ng kaniyang ina sa studio ng programang "Studio 7."
Pero hindi lang si Klea ang natuwa, kung hindi maging si Golden.
"Nag-iiyakan po kami ni mama kasi siyempre 'di po namin ine-expect. Kasi two years old tapos umiiyak sa akin para makita ako. Kaya sobrang blessed ko po na hindi lang matatanda yung nakaka-appreciate sa talent ko, pati na rin po ang mga bata," saad ni Golden.
Nalaman din na solid Kapuso pala si Klea mula sa panonood ng mga teleserye hanggang sa public affairs program tulad ng "24 Oras."
Nang tanungin ang bata kung ano ang sinasabi ng news anchor ng "24 Oras" na si Mike Enriquez, sagot ni Klea, "Excuse me po." -- FRJ, GMA News
