Sentimental ang "Eat Bulaga" dabarkads na sina Bossing Vic Sotto at Phenomenal Star Maine Mendoza sa pag-alis nila sa studio sa Broadway Centrum para lumipat naman sa APT Studios sa Cainta, Rizal.

"Lahat kami very excited, kasi... Actually, kahapon (Miyerkules) ko lang nakita 'yung kabuuan ng aming bagong tahanan, du'n sa blessing. At talaga namang pinaghandaang mabuti na maging maganda ang aming tahanan para mas maging maganda ang palabas namin," sabi ni Bossing Vic sa press conference ng "Jack Em Popoy, The Puliscredibles" sa Quezon City nitong Huwebes.

"Mas malaki 'yung audience area, kasi kadalasan 'yun din ang aming nagiging problema eh. Hindi makapasok ang maraming tao, mga gustong manood ng 'live.' Ito, may provision talaga na mas maraming puwedeng manood nang live," dagdag pa ni Bossing.

 


LOOK: Joey de Leon’s excited to move into Eat Bulaga's new home studio

READ: Ruby Rodriguez fondly looks back on 23 memorable years of ‘Eat Bulaga’ in Broadway Centrum
 

Kinumpirma pa ni Bossing ang state-of-the-art na disenyo ng APT Studios.

"Totoo. Kaming lahat eh very excited. It's very comfortable, high-tech, state of the art, maganda, nakakatuwa," saad niya.

Aminado naman si Bossing Vic na mami-miss rin niya ang studio nila sa Broadway Centrum na naging tahanan nila sa loob nang mahigit 23 taon.

"Marami kaming ekspiriyensiya doon for 20 plus years. But siyempre, we have to move on, we have to move forward. Kaya, kumbaga, marami tayong natutunan sa Broadway, dadalhin natin dito sa APT Studios," paliwanag ni Vic.

Pati si Maine ay nalungkot din daw sa anunsyo.

"Excited na medyo malungkot din kasi iiwan na namin 'yung studio na 'yun. Although, kahit three years pa lang ako [doon] nalulungkot na rin ako, what more 'yung ibang host, 'di ba?" ani Maine.

"Pero ayun siyempre, panibagong journey... Okay naman, maganda. Sigurado akong magugustuhan din ng mga audience na pupunta doon."" dagdag ni Dubsmash Queen.-- FRJ, GMA News