Kung mayroon mang isang tao na pinag-aalayan ni "My Special Tatay" leading man Ken Chan ng kaniyang Walk of Fame star, ito ay walang iba kung hindi ang yumaong si "Master Showman" German "Kuya Germs" Moreno.

 

 

Sa kaniyang Instagram, inalala ni Ken ang sinabi sa kaniya noon ni Kuya Germs na balang araw ay magkakaroon siya ng star sa Eastwood City Walk of Fame.

"Ngayon dumating na nga ang araw na nagkaroon ako ng star wala ka naman Tatay. Pero alam kong nakangiti at proud kang pinagmamasdan ako habang tinatangap ko ang star ko sa Walk Of Fame. Sobrang saya ko ngayon," saad ni Ken.

Natanggap ni Ken ang kaniyang star sa Eastwood City Walk of Fame nitong Lunes.

Si Kuya Germ, na itinuturing tatay-tatayan ni Ken sa showbiz, ang nagsimula ng Walk of Fame Philippines," ayon sa ulat ni Cata Tibayan sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkules.

"Sobrang napakagandang Christmas gift na binigay sa akin ng German Moreno Foundation at ni Kuya Germs. Kahit wala na si tatay, noong ibinigay niya ito sakin, ramdam ko pa rin siya. Alam kong masaya siya para sa akin," anang aktor.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News