Sa programang "Mars," ikinuwento ng beteranong aktor na si Dennis Padilla na may isang aktres noon na dapat sana'y makakatambalan niya sa isang proyekto noong bago pa lang siya sa showbiz pero tinanggihan siya. Kaya nang sumikat si Dennis, "rumesbak" siya sa aktres.

"Nu'ng pagdating ko sa set, ang sabi niya, 'Ano pinakain mo sa producer para makuha itong role na ito?' Eh ako ang leading man niya eh," saad ni Dennis.

Dahil dito, tila pinanghinaan daw si Dennis kaya nagpaalam na lang siya sa direktor na uuwi na lang sana pero ipinagtanggol siya nito.

"Sabi ko, 'Direk uuwi na lang po ako.' Nu'ng paalis na ako sabi niya (direktor) 'Halika, halika.' Kinausap niya 'yung actress, sabi niya, 'This boy (Dennis) will be the next comedian of the year.' Sabi niya, 'Magiging comedian of the year ito. Kasi meron siyang ginagawang movie ngayon, na-side kick siya ni Robin Padilla, 'Maging Sino Ka Man,'" pagbalik-tanaw ni Dennis sa naturang pangyayari.

Ang pagiging side-kick ni Dennis sa nabanggit na pelikula ni Robin ang tuluyang naging daan sa pagsikat ng komedyante kaya nagkaroon na rin siya ng mga pelikulang siya na ang bida.

"That was my biggest break. After mga three movies, 'di ba nag-movie na ako? So nu'ng nagbida na ako, magiging leading lady ko siya. Naka-third kong lead, magiging leading actress ko siya, pinapalitan ko," natatawang kuwento ni Dennis.

"Resbak. Rumesbak ako," dagdag pa ng aktor na nagpayo na dapat hindi maliitin at dapat na bigyan ng pagkakataon ang mga baguhan sa industriya.

"Kailangan talaga 'yung mga bagong pumapasok dapat binibigyan mo ng chance. Kasi hindi mo alam baka maging superstar 'yun eh," sabi ni Dennis na inilarawan ang naturang aktres na may letter "C" ang pangalan. -- FRJ, GMA News