Sa programang "Mars," ibinahagi ng celebrity-turned-public official na si Arnell Ignacio ang naranasang pambu-bully noong bata siya at ang naging payo sa kaniya ng lola niyang "mandirigma."

Sa naturang episode, isang netizen ang humingi ng payo tungkol sa kinasangkutan niyang pambu-bully. Sabi ng mga host na si Camille Prats at Suzi Abrera, dapat humingi ng paumanhin ang nam-bully kapag napagtanto nito na mali ang kaniyang ginawa.

Dahil guest sa programa si Arnell, na Deputy Administrator ngayon ng Overseas Workers Welfare Administration, ibinahagi niya ang kaniyang karanasan nang na-bully siya.

"Yun pala yung tama dun [na gawin]," bungad ni Arnell. "Noong bata ako binully ako."

"Yung lola ko nagpadala ng dalawang tito ko na bigyan ako ng sinturon," sabi ni Arnell na iginiit na totoong nangyari ang sitwasyon. "Hampasin ko raw [ang nam-bully sa kaniya]. 'Yon yung turo ng lola ko."

Pero hindi naman daw nahampas ni Arnell ang nam-bully sa kaniya dahil nawala na.

"Patay na rin yung lola ko kaya hindi ko na rin masisisi. Yung lola ko mandidirigma," sabi pa niya.

Paalala naman ni Camille, tama na manindigan ang isang biktima ng bullying pero hindi tama na gumanti. --FRJ, GMA News