Masaya na may halong lungkot ang naramdaman ni Tom Rodriguez nang mabalitaan niya na ipinapalabas sa ibang bansa ang dating Kapuso telenovela na pinagbidahan nila ni Lovi Poe na "Someone to Watch Over Me."

"I heard nga eh it's being shown in Uruguay. Si tito Lhar (Santiago) earlier was the one who told me about it. And I had no idea prior to that. Halo siyang... it makes me really proud, and at the same time so excited and nostalgic na rin because that show was very meaningful to me," saad ni Tom nang makapanayam ng GMA reporters nitong Huwebes sa GMA Network.

 

 

Si direk Maryo J. de los Reyes ang nagdirek ng naturang series, kaya siya ang unang taong pumasok sa isip ni Tom nang pag-usapan ang palabas.

"And it was the last show I got to work with direk Maryo J., and I will never have that chance to work with him again. So part of me is grieving and at the same time celebrating. So andu'n 'yung ano, parang naghahalo 'yung dalawang feeling na 'yun... Parang halong sweet, pain," saad ng aktor.

May kasama rin umanong sentimental na nararamdaman si Tom kapag naaalala ang "Someone to Watch Over Me," na katambal niya si Lovi Poe.

"I'm very, very happy that our hard work and the passion that we infused into that project, ina-appreciate ng ibang lahi, ibang kultura. But at the same time, nakaka-miss na hanggang du'n na lang pala 'yung oras ko with direk Maryo J," dagdag ni Tom.

Enero 2018 nang pumanaw dahil sa heart attack ang premyadong direktor habang nasa Dipolog City.

"No Me Olvides" ang pamagat ng "Someone to Watch Over Me" sa Uruguay.

Bukod dito, "Una Nueva Oportunidad" naman ang titulo ng "Second Chances" ni Jennylyn Mercado, na napapanood ngayon sa Peru.

Sa Ecuador, "Dulce Vegnaza" ang titulo ng dating GMA afternoon series na "Ika-6 Na Utos," na pinagbidahan nina Gabby Concepcion, Ryza Cenon at Sunshine Dizon.

Taong 2017 nang ilunsad ang GMA telenovelas sa Peru sa pagpapalabas ng "Cautiva" o "Hanggang Makita Kang Muli," na pinagbidahan nina Bea Binene at Derrick Monasterio, at sa direksyon ni Laurice Guillen. --FRJ, GMA News