Nagkakasiyahan ang mga tao sa Wowowin nang mapansin ng host na si Willie Revillame na may isang lalaking nakaidlip sa gitna ng mga manonood.

Mabilis na nilapitan siya ni Willie at tinabihan, sabay na sinabi, "Siyempre napagod ang tao, ganyan talaga ang buhay."

Tahimik na sinabi ni Willie, "Alam mo, pare, naintindihan ko naman ang kalagayan mo."

Nang nag-ingay ang mga manonood, mabilis na pinatahimik ni Willie at sinabing, "Please lang naman, nagpapahinga ang kaibigan natin. Dahil diyan, bigyan natin siya ng Cherry Mobile. Meron ka ring jacket."

Dahan-dahang kinumutan ni Willie ang lalaki gamit ang jacket nang biglang nagising na rin sa wakas ang lalaki sabay sigaw ni Willie, "Hello! Surprise!"

Sabi ni Willie, "Kasi ikaw sa totoo lang, isa kang Pilipinong masipag. Bibigyan kita ng tatlong libo!"

Tuwang-tuwa naman ang lalaki at maiging nagpasalamat kay Willie. —Kaela Malig/KG, GMA News