Parehong magagaling at multi-awarded na mga aktres, inihayag ni Therese Malvar na hindi raw niya iniisip na makipagkompetisyon kay Kyline Alcantara, na magiging karibal niya sa bagong Kapuso series na "Inagaw na Bituin."
Ayon kay Therese, pinag-usapan na raw nila ni Kyline ang tungkol sa posibilidad na magkaroon sila ng kompetisyon.
"Pinag-usapan na namin 'yun, pati 'yung mga sampalan, baka raw magkatotoo in the end. Sabi ko naman po, 'We love what we do, so I think walang mamamagitan sa atin na masama. 'Cause if we're both genuine with our love and sincerity with this project, walang hiritan, walang competition na unhealthy,'" saad ni Therese nang makapanayam ng showbiz reporters sa press conference ng Inagaw Na Bituin noong Biyernes sa GMA Network.
Kyline Alcantara and Therese Malvar @gmanews pic.twitter.com/Kz12t5MjR7
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) February 1, 2019
Ang Inagaw na Bituin ay tungkol sa dalawang "nagniningning" na mga dalagita na sina Anna at Ariela dahil sa kanilang pagkanta, na magkukrus ang mga landas. Ngunit nababalot ng misteryo ang kanilang mga nakaraan.
Ikinuwento ni Therese na matagal na silang magkakilala ni Kyline, ngunit patuloy pa nilang nakikilala ang isa't isa.
"Magkakilala po kami noong audition ko pa lang sa industry na ito. Ang Huling Cha-cha ni Anita pa lang magkakilala na po kami. And then nagka-work po kami sa Hamog. And then now, magkaka-eksena na po kami for the first time."
"We're still in the process of getting to know each other kasi unlike sa Hamog, nagka-work po kami or sa isang project po kami which is Hamog, wala pa kaming eksena together. And hindi pa po kami nag-bonding masyado because nga iba 'yung story namin sa hamog. So right now we're still in the getting to know stage, but we're comfortable with each other," saad pa ni Therese.
Ilan sa mga awards ni Therese ay ang Best Actress para sa "Ang Huling Cha-Cha ni Anita" sa CineFilipino Film Festival 2013; Screen International Rising Star Asia Award para sa "Hamog" sa 15th New York Asian Film Festival; Best Supporting Actress para sa "Ilawod" sa Eddys 2018; at Best Supporting Actress para sa "Distance" at "School Service" sa 14th Cinemalaya Independent Film Festival 2018.
Ilan naman sa mga awards ni Kyline ay Best Actress in a Supporting Role para sa "Kambal Karibal" sa 1st Asian Academy Creative Awards; Best New Female Recording Artist sa 10th PMPC Star Awards for Music; Most Promising Female Star For TV sa 2018 Alta Media Icon Awards (Kambal Karibal); at Best Drama Supporting Actress sa 32nd PMPC Star Awards for Television (Kambal Karibal).
Inamin ni Therese na hindi pa niya gaanong gamay ang pagkanta sa publiko, kung saan tila may lamang naman si Kyline pagdating dito. Ngunit handa pa rin siyang sumabak sa voice lessons.
"Ako po napaka-concerned. Kasi po in the first place hindi po ako kumakanta ever in front of people kasi may stage fright po ako. So I had lots of firsts with this teleserye agad-agad, kasi nag-mall show po kami, so kumakanta-kanta po ako with the audience. But I love singing. I just don't like to sing in front of others. So I'm still learning and hopefully through this teleserye I would learn to gain confidence 'cause that's what I really, really lack. And voice lessons!" ayon kay Therese.
Nabahala naman kaya siya sa mga pagkanta at acting ni Kyline?
"I did not think of Kyline and her recording and acting. Because if I did, then competition na 'yon. What I thought of was myself talaga kasi bilang artista and bilang Ariela sa Inagaw na Bituin, I need to craft, I need to shape my character. So I had to focus on that kasi dapat may maibibigay ka pa rin eh. Kasi for sure, may maibibigay 'yung bawat artista at bawat cast ng Inagaw Na Bituin. So ayun, kailangan pag-aralan ko po talaga 'yun."
Handa na raw makipagsampalan at sabunutan si Therese sa banggaan ng kanilang karakter ni Kyline.
"Super duper okay po sa akin 'yon! Kahit ako rin 'yung sasampalin, and never po akong nananampal ng tao." —LDF, GMA News
