Nagkuwento si Liza Diño tungkol sa background ng napili nilang sperm cell donor para sa magiging baby nina Ice Seguerra. Ibinahagi rin niya kung saan at papaano gagawin ang proseso ng in vitro fertilization.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Liza na kay Ice kukunin ang egg at ipe-fertize kasama ang sperm mula sa donor.
Matapos nito, si Liza umano ang magdadala sa kaniyang sinapupunan ng kanilang magiging baby.
Sa isang ospital daw sa Malaysia gagawin ang proseso ng in vitro dahil hindi raw ito puwedeng gawin sa Pilipinas.
'There are ethical issues that ano daw... sabi na hindi puwede kasi 'pag single ka, hindi puwede... 'pag same sex kayo hindi puwede...religious views of the country," paliwanag ni Liza na namumuno sa Film Development Council of the Philippines.
Sabi pa ni Liza, sa isang website sila pumili ni Ice ng sperm donor.
"Ano siya, sucma cum laude. He's into music. He plays a lot of instruments, tapos ano siya...he loves to cook so food for the soul," pagbahagi pa niya.
Sa nakaraang panayam kay Ice, sinabi niya na dalawang dayuhang donor ang kanilang pinagpipilian na isang Caucasian at ang isa ay para umanong Hispanic.
Pero mas gusto raw niya ang Caucasian na tinawag niyang “Superman/Boy Pogi.”
READ: Ice Seguerra at Liza Diño, napupusuan si 'Superman' na maging sperm donor
Napagkasunduan din daw nila ni Ice na bandang Disyembre na nila gawin ang proseso ng invitro taliwas sa una nilang plano na gawin sa kalagitnaan ng taon.
Nagbago raw ang plano dahil magiging sobrang abala si Liza sa FDCP dahil nagdiriwang ng ika-isandaang taon ngayon ang pelikulang Pilipino.
Kung magiging maselan daw ang kaniyang pagbubuntis, sinabi ni Liza na posibleng mag-leave sa kaniyang posisyon sa FDCP.-- FRJ, GMA News
