Panibagong hamon para kay Bea Binene ang kaniyang guest role sa pinakabagong GMA afternoon series na "Dragon Lady," dahil unang pagkakataon daw siyang sasabak sa rape scene at magiging ina.

Gagampanan ni Bea ang role ni Almira, isang babaeng nangangarap na magtayo ng sariling negosyo kahit hindi siya nakapagtapos sa kolehiyo. Magtatrabaho siya bilang cashier sa chain ng mga supermarket na pagmamay-ari ng isang mayamang Chinese businessman, na gagampanan ni Leo Martinez.

Pero pagtatangkaan siyang pagsamantalahan ng kaniyang amo at ipagtanggol niya ang sarili gamit ang isang dragon statue.

"This is something new. And siyempre, kahit naman po 'yung mga eksenang nagawa ko na before, basta bagong teleserye, 'yung eksenang ganito, ganiyan, talagang minsan parang kakabahan ka. So normal 'yon," saad ni Bea sa media conference ng Dragon Lady nitong Martes sa Quezon City.

 

 

"Pero I trust my director, I trust my production team and alam ko naman, like ang mga ka-eksena ko, talagang [magaling] na, si sir Leo Martinez 'yung ka-eksena ko doon," dagdag pa niya.

Komportable naman daw si Bea dahil aniya, hindi naman daw "extreme" ang kukunang rape scene.

Si Almira ang magiging ina ng "Dragon Lady" na si Celestina, na gagampanan ni Janine Gutierrez.

"Different siya kasi first time akong naging mom. First time na ganito 'yung tema ng story kasi na-rape, nabuntis, 'yung mga ganoon. Ibang iba siya dahil 'yung mga previous na teleserye na love story, family drama, ako 'yung anak, hindi ako 'yung nanay. Iba siya," saad ni Bea.

Kuwento pa ni Bea, si Diana Zubiri ang gaganap na older version ni Almira.

"It's also my first time working with the production team, with direk Paul (Sta. Ana). 'Yung sinabi niyo na kahit support siya, it has a very significant meaning kasi we will open the show. So siyempre nandu'n po 'yung pressure din kasi kahit na support kami, kahit na guest kami, kahit isang linggo lang kaming eere, we will open the show. Kumbaga, we will open the doors to the viewers kung ano 'yung Dragon Lady," paliwanag niya.

Makakasama ni Bea ang kaniyang childhood friends na sina Derrick Monasterio at Kristoffer Martin.

"Mas madali siya kasi hindi na namin kailangan magkapaan kung paano ang dapat gawin sa mga eksena."

Natutuwa pang kuwento ni Bea na kung minsan, nawawala siya sa focus dahil sa pangungulit ni Kristoffer.

Mapapanood ang Dragon Lady sa Marso sa GMA Network. -- FRJ, GMA News