Handang-handa na raw sa matitinding tapatan sa "Inagaw Na Bituin" sina Kyline Alcantara at Therese Malvar na mag-aagawan sa kasikatan at pag-ibig.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, gagampanan sa serye nina Kyline at Therese ang karekter nina Elsa at Ariela.
"Ako po 'yung tipo na gumawa po ng character na hindi magpapatalo. So hindi magpapatalo sa 'yo, Ariela," sabi ni Kyline habang nasa tabi si Therese.
"Palaban din po ako, Elsa," natatawang sagot naman ni Therese.
Hindi lang sa kasikatan maglalaban ang mga karakter nina Kyline at Therese kundi maging sa pag-ibig ng isang lalaki na si Prince, na ginagampanan ni Manolo Pedrosa.
"Ang unang meet pa lang namin confrontation na agad 'yun," sambit ni Therese.
"Kasi kasama po niya 'yung medyo nagugustuhan na ni Elsa na si Manolo, si Prince. Kumbaga, friend niya before," paliwanag naman ni Kyline.
Masaya rin ang dalawang young actress na makatrabaho ang mas beterano sa kanilang mga artista tulad nina Sunshine Dizon, Angelika dela Cruz, Marvin Agustin at Gabby Eigenmann.
'Yung mga lessons na binibigay nila sa 'min, sa life, and of course sa showbiz industry," sabi ni Kyline. --FRJ, GMA News.
