Nanalo ng award sa isang international film festival ang Kapuso star na si AiAi delas Alas. Full support din siya sa kauna-unahang pelikula ng Kapuso comedian na si Super Tekla.
Sa Star Bites report ng "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing nakamit ni AiAi ang Best Actress Award sa 39th Fantasporto-Oporto International Film Festival sa Portugal.
Ang award ay para sa kaniyang pagganap sa pelikulang "School Service," na idinirek ni Louie Ignacio.
Sa kaniyang Instagram post, nagpaabot ng pasasalamat si AiAi sa natanggap na award at sa mga tumulong at suporta sa kaniya.
Samantala, full support naman si AiAi sa kapwa niya komedyante na si Super Tekla na magkakaroon na ng pelikula at siya mismo ang biktima.
May special participation AiAi sa naturang pelikula, kung saan kabilang din sina Kim Domingo at Jo Berry.
"Naniniwala ako sa kakayahan niya [Tekla], naniniwala ako sa abilidad niya, at naniniwala ako sa talent niya kaya nandito ako para sa kaniya, ayon kay AiAi.
Gagampanan ni Tekla ang karakter na kambal na isang lalaki na bilib na bilib sa sarili at isang babae na gandang-ganda naman sa sarili. --FRJ, GMA News
