Ikinuwento ni Betong Sumaya ang nakatutuwa niyang karanasan na hindi siya nakilala ng guard sa GMA Network kaya hinanapan siya ng ID at hindi agad pinapasok.

Inihayag ng Bubble Gang comedian na nangyari ito bago ang kaniyang guesting sa "Sarap, 'Di Ba?"

"Kaya ko in-explain na ako si Betong. 'Ako po si Betong,'" paliwanag ni Betong, ngunit tila walang reaksyon ang guard at nag-iisip.

Nang sabihan ang guard ng kasamahan nito na papasukin si Betong, lumingon ito sa malayo.

"Nah! Hindi niya ako kilala talaga! Ayokong mapahiya siya na, sabihin na artista ako, kasi baka hindi siya maniwala, mas masakit, 'di ba?"

Ilang minuto ang lumipas, nilapit ang guard kay Betong at doon pormal na nagpakilala ang komedyante.

"Isa po akong artista. Nagsimula po ako bilang Executive Producer po ng Day Off. Hanggang sa unti-unti pong nangarap, gustong lumabas na artista. Noong nakuha ko na 'yung pagiging artista ko, kayo naman po ang pumutol sa aking pangarap," pabirong sabi ni Betong.

Panoorin ang kanilang tagpo. — Jamil Santos/DVM, GMA News