Nag-level up na ang tarayan ng mga karakter nina Kyline Alcantara at Therese Malvar sa "Inagaw Na Bituin." Sa tindi nga ng kanilang 'catfight' scene, kinailangan silang paalalahanan ng direktor.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA news "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing lalo pang titindi ang mga eksena sa naturang pinag-uusapang afternoon prime series.

Masasagad na ang pagtitimpi ni Elsa na ginagampanan ni Kyline, sa ginagawang pambubully sa kaniya ni Ariela, ang karakter ni Therese.

"May sasabihin ako na sobrang nakaka-offend para kay Elsa," sabi ni Therese.

Sagot naman ni Kyline, "Dahil sumobra na siya. She is wishing us death na, so kailangan ko nang umaray, kailangan ko nang pumatol."

Kitang-kita naman ng kanilang direktor na si Mark Reyes na tila totohanan ang catfight scene nina Kyline at Therese.

"And action. Everything goes wild. Lumilipad si Melbeline, humahampas sa ibaba si Therese. Nakikipag-away siya kay ano. It came out really nice but I told them, girls, alam n'yo acting lang po ito," natatawang sabi ni direk Mark.

Bago pa man daw kunan ang eksena, nakita na ni Kyline na kinakabahan si Therese dahil first time nitong gumawa ng catfight scene.

"Sabi ko, totohanin mo pero controlled. Kasi 'yun nga 'yung gusto ng viewers natin. gusto nila 'yung tatagos sa kanila 'yung galit, gusto nila 'yung tatagos sa kanila 'yung emosyon," sabi ni Kyline.

"Kahit na sinasabi niya kanina na itotoo mo, dapat real. Sabi ko, hala, paano? paano 'yung controlled," ayon naman kay Therese.

Pero pagkatapos daw ng eksena, nagtawanan lang daw ang dalawa at pauli-ulit na pinanood ang eksena.-- FRJ, GMA News