Nagwakas na nitong Biyernes ang top rating GMA afternoon series na "My Special Tatay." Sina Ken Chan at Rita Daniela, nag-post ng pamamaalam tungkol sa naging karakter nilang sina "Boyet" at "Aubrey."
Sa finale ng serye, masaya ang naging ending nito kung saan muling nakasama nina Boyet at Aubrey ang kanilang baby na si Angelo.
Bukod sa ipinakita na malaki na si Angelo, may panibagong baby ang mag-asawa.
Samantala, nag-post naman sa kaniyang Instagram account si Ken para hikayatin ang mga tao na mahalin ang mga katulad ni Boyet na may mental disability.
"Mahalin natin ang mga taong kagaya ni Boyet. Hanggang sa muli, maraming-maraming salamat po! My Special Tatay is now officially signing off," saad ni Ken sa caption.
Si Rita naman, ipinost ang larawan niya bilang Aubrey, kung saan pinasalamatan niya ang kaniyang karakter na nagbukas umano sa kaniya ng maraming oportunidad.
Sa mga mami-miss ang tambalan nina Ken at Rita, mapapanood naman sila sa special episode ng "Wish Ko Lang."
--FRJ, GMA News
