Nasa Hong Kong ngayon ang Kapuso actor na si Alden Richards para sa shooting ng bago niyang pelikula na katambal si Kathryn Bernardo. Samantala, mapapanood muna sa susunod na linggo ang Pambansang Bae sa Lenten Special ng "Eat Bulaga."

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ni Alden na excited na siya sa shoot ng pelikula nila ni Kathryn kung saan gaganap siyang OFW.

"It's a story about OFWs, 'yun pong mga current OFW na nasa Hong Kong sa mga panahon ngayon. Kumbaga it's a different story kasi ito 'yung mas millennial na OFWs," kuwento ni Alden.

Dagdag pa niya, first time niyang na gaganap na OFW sa isang pelikula kaya excited siya sa kaniyang role.

"I can't wait to shoot the film kasi excited ako du'n sa characters, especially sa character ko, sa magiging takbo ng istorya namin ni Kath bilang artista du'n sa film," saad niya.

Bilang paghahanda sa kaniyang karakter, nag-aral daw si Alden ng Cantonese, na kailangan umano sa gagampanan niyang trabaho sa role na first time din daw niyang gagawin.

Kung OFW siya sa pelikula, mangingisda naman ang role ni Alden sa "Bulawan" episode ng Lenten special ng "Eat Bulaga."

Kasama niya sa naturang episode sina Ryan Agoncillo, Wally Bayola, Pia Guanio, Bbaeby Baste at Joey de Leon.

Iikot daw ang episode sa kuwento ng taong may pangarap na makaahon sa kahirapan.

Sa May 11 naman, babalik New York, USA si Alden para sa "Kapusong Pinoy Studio 7 Musikalye sa Brooklyn," na gaganapin sa Kings Theatre.

Hatid ito ng GMA Pinoy TV, kung saan makakasama ni Alden sina Christian Bautista, Julie Anne San Jose, Rayver Cruz, Kyline Alcantara, Golden Cañedo, at Betong Sumaya. --FRJ, GMA News