Sobrang komportable na raw sa isa't isa sina Andrea Torres at Derek Ramsay ngayong sunod-sunod na ang taping nila sa upcoming Kapuso series na "The Better Woman." Dahil dito, natanong ang aktres kung paano kaya kung ma-in love sa kaniya ang hunk actor?



Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita na kasama ni Andrea ang kaniyang fan groups sa belated birthday surprise na ginawa para sa kaniya.

Game na nakipagkuwentuhan at nakipagkantahan si Andrea sa kaniyang fans.

Labis na natuwa ang aktres sa naturang sorpresa dahil Mayo 4 pa nagdiwang ng kaarawan si Andrea, na kasama noon ang pamilya.

"Nagpunta po kami ng Tagaytay, tapos 'yon, bonding lang po, kasi sakto ring umuwi 'yung kuya ko from Australia," anang aktres.

Magtatambal sina Andrea at Derek para sa "The Better Woman," at malaking hamon daw sa aktres ang kaniyang dual character.

"Nacha-challenge ka eh na maging magkaiba silang dalawa. At the same time, may breather ka na 'pagka masyado nang madrama 'yung isa, ay, merong kang chance na medyo maglaro-laro naman du'n sa isang character na nakakatawa rin naman siya," kuwento ni Andrea.

Aminado rin si Andrea na nakakaramdam siya ng pressure lalo na't isang hunk actor ang kaniyang kapareha Derek.

"Lalo na siya, talagang eight-pack ba naman siya, eight-pack abs, so talagang kailangan talaga, fit din ako palagi para naman hindi rin ako mapahiya," sabi ni Andrea.

Kuwento pa niya, "Sobrang close na talaga kami. Ah, sabi nga niya kahapon, 'Parang masyado na tayong comfortable sa isa't isa.' Kasi kahit ano talaga, kaya naming pag-usapan. Ah, very open kaming dalawa."

Dahil dito, tinanong si Andrea na papaano kaya kung ma-in love sa kaniya si Derek.

"Ay! Ayoko ng ganu'n," natatawang sagot ni Andrea. "Ayoko na nag-iisip ng mga gano'n. Basta, work, work, work."--Jamil Santos/FRJ, GMA News