Dahil nasanay sa kontrabida role na sumisigaw at nanlilisik ang mga mata, aminado si Kyline Alcantara na kailangan niyang mag-adjust sa pagganap niya bilang bida sa Kapuso hit afternoon series na "Inagaw Na Bituin."

Sa finale preview at bloggers' conference ng "Inagaw Na Bituin" nitong Biyernes sa GMA Network, sinabi ni Kyline na kung mayroon man siyang natutunan sa show, ito ay ang pag-improve sa pagganap niya bilang mabait.

"Mas na-improve ko siguro 'yung pagiging mabait ko because 'yon 'yung mahirap for me. Kasi ever since I started acting, kontrabida na agad, so my eyes, they don't lie. So lagi siyang nanlilisik, lagi siyang nananakot," saad niya.

"'Yon 'yung inalis sa akin ni direk Mark (Reyes) for a moment. Kasi 'yon 'yung parang nagso-soften 'yung eyes, 'yung pananalita medyo parang toned down. Kasi nasanay ako sa laging loud kasi. Kapag kontrabida ka siyempre, dapat nangunguha ka ng atensyon, which is hindi dapat ganu'n 'pag bida ka na," ayon pa kay Kyline.

Ginampanan ni Kyline si Anna, anak nina Belinda (Sunshine Dizon) at Edward Sevilla (Marvin Agustin) na nakidnap.

Sa tuwing tumitingin pa nga si Kyline sa salamin, nakikita pa rin niya ang bakas ng pagiging kontrabida.

"I can be mabait pala, na kaya ko palang maging mabait. Kasi 'yun talaga 'yung nahihirapan ako eh. 'Pag tumitingin ako sa salamin, 'yun 'yung parang hindi ko maalis talaga sa akin, 'yung mataray na nanlilisik na mata, na 'yun talaga 'yung hindi ko maalis sa akin. And even here (Inagaw Na Bituin) pa rin, meron, pero nabawasan na po 'yun," sabi pa ng young star.

Gumanap na rin si Kyline bilang kontrabida sa "Kambal, Karibal" bilang si Francheska de Villa.

"Being kontrabida po kasi, siguro 'yung pagiging loud niya lang and kailangan nakakakuha ka ng atensyon, siguro 'yun lang talaga 'yung hirap para sa akin and somehow sa iyo na rin nakasalalay 'yung flow ng teleserye and 'yung flow ng eksena. So mabigat din naman siya," paliwanag niya.

Kumusta naman ang karanasan niya bilang bida?

"Mabigat din naman 'yung pagiging bida of course. Because you're the center of everything. So siguro 'yung mahirap lang talaga for me is 'yung pananalita and 'yung sa mata lang talaga," tugon niya.

Para sa kaniya, masasabing magaling ang isang aktor kapag nangungusap ang mga mata nito.

"Kasi ako is all about eyes eh. Kumbaga, feeling ko po, masasabi kong magaling 'yung artista kapag wala siyang ginagawang anything sa kamay niya basta 'yung mata niya nangungusap. Gusto ko 'yun din ang ma-improve ko sa sarili ko," ayon kay Kyline.

"'Yun, siguro 'yung sa mata talaga, 'yung pagiging bida is hindi ko pa siya masyadong nama-master kasi medyo nanlilisik pa siguro 'yung mata ko," dugtong niya.-- FRJ, GMA News