Ngayong "Pride Month," inihayag ng mga Kapuso macho actor na proud sila sa pagganap nila sa kani-kanilang role bilang miyembro ng LGBT community.



Isa sa mga matinding tumatak noon sa husay sa pagganap bilang transwoman ay si Ken Chan para sa dating afternoon series na "Destiny Rose."

Ngayon, kasama na si Martin del Rosario sa listahan ng mga aktor na hinahangaan sa pagganap sa gay man role sa mga independent film.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabi umano ni Martin na hindi issue sa kaniya na tumanggap ng mga gay role.

Bukod daw sa hindi siya dapat tumanggi sa dumarating na oportunidad, mas naipapakita raw niya ang kaniyang pagiging versatile actor.

Samantala, isa sa mga cast member ng afternoon series na "Dragon Lady" na si Edgar Allan Guzman, enjoy din sa pagganap ng mga gay role dahil sa nabibigay nitong challenge sa kaniya bilang isang aktor.

Sinabi rin ni EA, na isa rin sa kaniyang dream role ang gumanap na mentally challenge tulad ni "Boyet" sa seryeng "My Special Tatay," na ginampanan ni Ken.

Nakilala rin sa kaniyang mga gay role ang actor at pilot na si Kevin Santos. Sa katunayan, ang kaniyang karakter bilang si Daboy sa "Daddy's Gurl," ang isa sa nagbibigay saya at katatawanan sa programa.

Ayon sa aktor, komportable na siya sa gay role pero sa bawat pagganap ay hinahanapan niya ito ng iba't ibang atake.

Sinabi naman nina Buboy Villar at Kelvin Miranda, na ang pagtanggap sa gay role ay isa ring oportunidad para ipahayag sa mga manonood na lahat tayo ay pantay-pantay.-- FRJ, GMA News