Trailer pa lang, suspense na agad ang ipinasilip ng bagong GMA Afternoon Prime series na "Hanggang sa Dulo ng Buhay Ko" na mapapanood ngayong Hulyo.

Sa Star Bites report ni Cata Tibayan sa GMA News "Balitanghali" nitong Martes, sinabing bibida sa naturang serye sina Kris Bernal, na gaganap bilang Naomi; Megan Young, bilang si Yvie; at Rayver Cruz, bilang si Mateo.

Sa isang media conference, ipinakilala rin ang iba pang kasama sa cast na sina Kim Domingo, Boots Anson-Roa, Francine Prieto, Beverly Salvejo at Euwenn Mikael Aleta.

Natutuwa si Kris sa kaniyang role sa serye na isang multo dahil masusubok daw muli ang kaniyang kakayanan bilang aktres.

"Gusto ko lagi challenge eh. So kahit ang hirap-hirap niya, pagod na pagod ako lagi iyakan na nakakabaliw na alam mo ‘yon ang dami kong kailangan isipin at ibigay na emosyon sa eksena. Gusto ko ‘yon eh," saad niya.

Mapapanood ang "Hanggang Sa Dulo Ng Buhay Ko" simula sa July 22, pagkatapos ng "Eat Bulaga."-- Jamil Santos/FRJ, GMA News